Wednesday, July 11, 2012

Homecoming



Papunta si Mark sa isang lugar na ayaw na niyang puntahan pa. Ang lugar na kung saan mahigit sampung taon na niyang kinalimutan.


Walang pinagbago ang lugar..


Pinagmasdan niya ang kalawakan ng lugar kung saan pinagdadausan ng isang pagtitipon. Ang mga taong nasa paligid na abala sa pakikipagkwentuhan. May mga pamilyar na mukha at meron naman hindi na niya matandaan.


“Dumating ka!” Ang humahangos na sabi ng isang babae papalit sa kanyang direksyon.


“Hindi kasi kita mapahindian” nakangiting sagot ni Mark dito.


“Kamusta na Mark!” paglalahad ng kamay nito sa kanya. Imbes na kunin niya ang kamay nito ay niyakap niya ng mahigpit ito.


“Na-miss kita Jenny”


Wala ng magawa na itong magawa kundi suklian ang kanyang yakap. Ang sampung taon ng pagkakahiwalay ay nagpabago ng kanyang nararamdaman dito.


“Miss na din kita Mark.” Ang ganting akap din nito sa kanya.


“Jen may aaminin ako sayo pero wag kang magagalit ha?” Ang sabi ni Mark matapos na makawala sa kanilang akapan.


“Mamaya na yan Mark, naghihintay na sila sa atin.” Pag awat sa kanya ni Jenny.


“Pero…”


“Alam ko na yan! Basta ok lang sakin Mark. Sa Kanya ka magpaliwanag.” Makahulugang sabi ni Jenny dito.


Kinabahan si Mark sa sinabi ni Jenny. Parang nahuhulaan na niya ang magiging takbo ng gabing ito.


“Huy! Para kang natuklaw ng ahas dyan. Mamaya na yan! Punta na tayo sa kanila.” Pagbabalewala ni Jenny sa nararamdaman ni Mark na ngayon ay namumutla at pinagpapawisan ng malamig.


Hinila siya ni Jenny papunta sa pwesto ng kanilang mga kaklase. Malapit na sila sa mga ito ng tumigil si Mark. Napatingin si Jenny sa kanya. Nagtatanong ang mga tingin nito.


“Jen, hindi na siguro ako pupunta. Uuwi nalang ako.”


“Mark, kung ano man yang nararamdaman mo ngayon ay ito na ang tamang oras na harapin mo yan.” May diin na sabi ni Jenny kay Mark. Nakikita niya na para itong nahihirapan.


Napahinga ng malalim si Mark. Hindi niya alam kung paano sasabihin sa kaharap ang kanyang saloobin. Pinili nalang niya ang salita na magbibigay ng kaunting ideya sa kung ano man ang kanyang nararamdan.


“I think alam mo na ang gusto kong sabihin. Sorry Jen, I cant face him right now.” Mahinang sabi ni Mark.


Napahinga ng malalim din si Jenny at tiningnan maigi si Mark. Naipabatid na niya dito na ngayon ang tamang panahon na magtapos ang kung ano man ang kanyang dinadamdam ngunit nanatiling nakayuko lang si Mark at tila ayaw patinag. Ayaw nitong salubungin ang mga mata ni Jenny, pakiramdam niya ay isa siyang batang nakagawa ng kasalanan dito.


“I think this is the right time to settle things up with him.”  Ang sabi ni Jenny na hindi hinintay pa ang  magiging sagot ni Mark bagkus ay hinila na niya uli ito at tinuloy na ang pagpunta sa kanilang magiging mesa.


Abot abot ang kaba ng dibdib ni Mark habang naaninag na niya ang kanilang destinasyon. Lumilinaw na ang mga imahe ng mga taong pamilyar sa kanya. Mas dumagundong ang kabog ng kanyang dibdib ng makita niya ang taong naging dahilan ng kanyang pagaalinlangan.


Damm’it….is this the right time??


Buong ningning na ngumiti si Jenny sa mga taong kaharap nila ngayon. Hawak niya pa din ang kamay ni Mark na sa ngayon ay kababakasan mo ng pagaalinlangan sa sarili. Hindi nito makuhang makipagtinginan ng matagal sa mga taong kaharap nila.


“Guys naandito na ang pinakamailap sa ating mga kaklase. Our long lost classmate…si Mark!” ang pag introduce ni Jenny kay Mark sa kanilang mga batchmates.


Nagpalakpakan ang ilan habang ang iba naman ay tumayo para kamayan siya at kamustahin.


Nasa kalagitnan si Mark ng pakikipagkamustahan sa kanyang mga kaklase ng maramdamn niya na may matang nakatingin sa kanya. Pamilyar na sensasyon ang kanyang nararamadaman. Dama niya na kahit 10 taon na ang lumipas ay ganon pa din ang senaryo; ang tinging nakakapagpahina ng tuhod, ang pagbilis ng tibok ng puso niya at ang pagtikhim nito sa pagkuwa ng kanyang atensyon.


Iba pa din talaga ang dating niya sakin..


“Ehem..hindi mo ba ako kakamustahin?” ang wika nito


Napatingin si Mark sa taong kanina lang ay nagsalita sa kanyang tabi. Nakahalukipkip ang kamay nito at mataman siyang tinitingnan. Hindi mawari ni Mark ang gagawin. Pinagpapawisan siya ng malamig at sa tuwing ibabalik nya ang tingin dito ay hindi niya mahuma ang sinasabi ng mga mata nito. Sabik ba itong makita siya? Galit ba ito sa kanya? Hindi niya maiintindihan.


“Luis, ikaw pala.” Ang payak niyang sagot.


“Obvious ba na ako ito.” Ang maangas na sagot ni Luis kay Mark.


Hindi na nagbago. Gaya pa din ng dati na mahangin.


“Kamusta?”


“Yun lang ba ang itatanong mo sakin?” Nakangisi ito habang nakatingin pa din kay Mark.


“10 years Luis ganyan ka pa din.”  Patawang sabi ni Mark. Ayaw niyang hayaang malunod siya ng sarili niyang damdamin lalo na ngayong nasa harapan sila ng mga dating kaklase.


Lumakad papunta sa kanyang direksyon si Luis. Sa bawat hakdang nito ay lalong dumadagundong ang kanyang dibdib. Ang kanilang mga mata ay nanatiling nagkakatinginan. Pakiramdam ni Mark ay nawawala ang mga tao sa paligid. Siya at si Luis nalang ang naiiwan sa mga nagkikislapang mga ilaw.


Shit! Gwapo pa din ang hunghang!


Sa kabila ng kapreskuhang inasal ni Luis ay siya din ay nakakaramdam ng kaba. Sa ilang taon na hindi niya nakita si Mark ay lalo siyang nanabik ng makita niya ito kanina. Hindi maikakaila na malaki na ang pinagbago nito pero ang pilit na gusto niyang makita ay ang dating kaibigan. Gusto niyang magpaliwanag. Gusto niyang magtanong. Gusto niyang maliwanagan.


Ikaw pa din ba ang Mark na nakilala ko?...sana ikaw pa din….


Nakalapit na si Luis sa kay Mark. Ngayon ay mukha sa mukha silang magkaharapan. Hindi maikakaila na merong pader na nakaharang sa kanila. Hindi nakikitang pader na siyang pinatibay ng panahon na hindi sila nagkakita at nagkausap. Ngunit ngayon ay unti unting gumuguho, natitibag ng kusa dahil ang mga taong nasa magkabilang panig mismo ang gumagawa na ng paraang mawala ito sa kanilang pagitan.


“Ehem..baka gusto niyong magkasarilinang magkaibigan.” Ang pagbasag ni Jenny sa kanilang pananahimik.


“Pwede na dito nalang. Nakakahiya sayo Jenny alam ko namang…”


“Hindi na kami” maagap na  pagputol ni Jenny sa sinabi ni Mark.


“P-pero paano?.”


“Ako na ang magpapaliwanag sa iyo.” Pagkatapos ay hinila ni Luis si Mark palayo sa kanilang mga kaklase.


Tanaw ni Mark ang nakangiting mga mukha ng kanyang mga kaklase. Sa gitna noon ay ang mukha ni Jenny na masayang masaya sa kanilang dalawa. Naguguluhan siya sa mga kilos ng mga ito. Alam ba nila? May nasabi ba si Jenny o si Luis sa mga ito? Paano na siya makakaharap sa mga ito?


Pano kung alam nila?…shit! Nakakahiya!


Nasa kalagitnaan ng pagiisip si Mark ng mapansin niyang tumigil na sila sa paglalakad. Binaling niya ang tingin sa paligid at napansin niyang walang tao. Naalala niya na ito ang likod ng kanilang dating classroom na madalas nilang tambayan ni Luis kung may libreng oras. Binalik niya ang tingin kay Luis na kahit sa maandap ng liwanag ay banaag niya ang mukha nitong at matang taimtim na nakatingin sa kanya.


Niyakap ni Luis si Mark. Dama ni Mark ang mabilis na tibok ng puso ni Luis. Napapikit siya para damhin ang pagkakataon na ito. Kung ito ay panaginip lang  ayaw na niyang magising.


“Namiss kita Mark. Miss na miss kita” Ang humihikbing sabi ni Luis. Mas lalo niyang hinihigpitan ang pagkakaakap kay Mark. Ayaw na niyang pakawalan pa si Mark, sa yakap niya ipinapahiwatig ang kanyang nadarama dito.


“S-sandali Luis h-hindi ako makahinga.”


“Ayokong bitiwan ka. Hinding hindi kana makakalayo sakin.”


“Hindi ako aalis Luis. Hindi na..” marahang hinahagod ni Mark ang likod ni Luis. Hindi niya makuhang labanan ito. Gusto niya ang nangyayari. Gustong gusto.


Bumitiw na din si Luis sa pagyakap kay Mark at masuyo niya nitong tinitingnan. Banaag sa kanya ang pagkawala ng malaking bagay na nakabara sa kanyang dibdib. Sa wakas, sa sampung taon ay nasabi din niya ang sinisigaw ng kanyang puso.


“Mark..”


“Luis..”


Sabay nilang nabanggit ang pangalan ng isat isa. Natigilan sila saglit at nagkatawanan. Unang nakabawi si Mark sa kanilang dalawa at minarapat na siya na ang magsalita.


“Sampung taon Luis ang lumipas. Medyo naguguluhan ako pero parang alam ko na ang nangyayari ngayon….sa iyo…..sa akin…..sa atin…”


“All these years naging duwag ako sa nararamdaman ko sa iyo. Hindi ko maamin sa sarili ko na ikaw..ikaw pala ang gusto ko..” ang sabi ni Luis na ngayo’y makahulugang nakatingin sa kanya.


Ginagap ni Mark ang kamay ni Luis at pinisil ito ng marahan.


“Hindi lang ikaw ang naging duwag. Pati ako naduwag sa magiging resulta ng nararamdaman ko sa iyo.”


“Kahit na naduwag ka ay nararamdaman ko na. Matagal na pero pinili kong ignorahin.” Balik na sabi ni Luis.


“P-pano mo nalaman?”  Gulat ang rumehistro sa mukha ni Mark. Nagtataka siya kung bakit at paano nalaman ni Luis ang lahat.


“Iba kasi ang turing mo sakin kumpara sa iba nating kaibigan. I felt  being treated special.” Nakatingin na sa malayo si Luis. Hawak kamay pa din sila ni Mark.


“Nakumpirma ko iyon ng maging kami ni Jenny. Kita kong nasaktan ka at lumayo sa akin.” Patuloy niyang sabi. Napapikit siyang parang may iniinda. Naalala niya ang sakit ng damdamin na naibigay niya kay Mark na siya ding nagbigay ng sakit ng kalooban sa kanya.


“Ayoko lang masaktan lalo habang nakikita ko kayong masaya.” Si Mark habang nakatingin na din sa malayo. Ayaw sana niyang sariwain ang nakaraan ngunit dahil sa nabanggit ito ngayon ay hindi niya maiwasan ang sakit na dulot nito sa kanya sampung taon na ang nakakalipas.


“Sa ginawa mong paglayo lalo ko lang narealize na ikaw ang gusto ko. Nagsisi ako dahil dinamay ko pa si Jenny”


“Teka nga pala Luis pano kayo nagkahiwalay ni Jenny? At bakit parang ok lang sa kanya na magkasama tayo? Pati mga classmate natin  parang may alam sila.” Naguguluhang tanong ni Mark. Napatingin sa kanya si Luis at napapangiti ito sa nakikitang kaguluhang naglalaro sa isip niya.


“Isa isa lang. ipapaliwanag ko ok?” Natatawang sagot ni Luis sa kanya.


“Ok, simulan mo sa inyo ni Jenny” May halong kaba na sabi Mark. Kaba ng antisipasyon na sana masagot ni Luis ng maayos ang lahat ng kanyang agam agam.


“Nung naging kami Jenny lumayo ka, parati ka nyang tinatanong kung bakit hindi na tayo nagkakasama. Hindi ko masagot siya dahil hindi ko alam ipaliwanag. Hanggang sa grumaduate tayo ay lalong hindi ko na alam ang gagawin ko. Mas lalo akong naguluhan sa sarili ko, naramdaman niya ang unti unti kong pagbabago hanggang sa pagtalunan namin yun at ikaw ang naidahilan ko. Nagalit siya sakin at naghiwalay kami ng hindi maayos. Nito nalang nagmimeeting ng reunion ko nalang siya uli nakita at napagusapan namin lahat, tanggap na daw niya ang sitwasyon ko at masaya daw siyang ikaw ang gusto ko dahil alam niyang mabait ka at hindi ko siya pinagpalit sa ibang babae na hindi niya daw matatanggap.”


Pagkatapos magpaliwanag ni Luis ay pinagmasdan niya si Mark na nangingiting nakatingin sa kanya. Bakas sa mukha nito ang paghanga at pagkabigla sa sinabi ni Luis.


“Talagang sinabi ni Jenny yun?” Natatawang tanong ni Mark kay Luis.


“Akala ko nga sasampalin niya ako at hahamakin eh. Ngunit natuwa na din ako sa kanya, atleast hindi siya galit sa akin o sayo.” Natatawa na ding sagot ni Luis.


“Paano naman nalaman ng mga kaklase natin? Kanina parang may alam na sila sa mangyayari ngayon eh”


“Kasalanan ni Jenny yan. After naming magusap ay nagparinig siya sa mga kaklase natin na nasa meeting. Nahiya nga ako eh pero kasubuan na, inamin ko sa kanilang lahat. Nagulat sila syempre pero dama ko na tanggap nila ako. Sabi nga nila dapat naandun daw ikaw para sana happy ending na kaso di ka umaattend eh. Busy ka daw pero alam ko namang iniiwasan mo ako kaya wala ka.” Patampong sabi ni Luis. Biglang ginulo ni Mark ang buhok nito at magiliw na ngumiti.


“Hindi ko naman alam kasi na parehas tayo ng nararamdaman Luis. Akala ko nga nakalimot na ako sa nararamdaman ko sa iyo kaya umattend ako. Gusto kong subukan kung kaya ko ng makita ka kaso ito ang nangyari at masaya ako.”


“Akala ko meron kang iba na. Kinakabahan nga ako kanina ng magtapat sayo.”


“Kinakabahan kapa sa lagay na yan? Kanina lang ang presko mo sakin eh!”  may halong pagbibiro ni Mark.


“Oo nga! Lakas ng kabog ng dibdib ko. Ikaw din naman eh, yakap kita ramdam ko na nangingig kapa!”


“Asa!”


“Kilala kita Mark. Wag mo ng itanggi” nakangisi na sabi ni Luis, parang nanguuyam.


“Oo na..kilala din kita…nga pala kamusta ang buhay mo pagkagraduate natin?” pagiiba ng usapan ni Mark.


“Pagkatapos namin ni Jenny wala ng naging kasunod. Nag aral nalang akong maigi at nakatapos, nagtratrabaho na din ngayon.”


“Ows? Wala na talagang naging iba?”


“Wala nga Mark. Ikaw kasi ang hinihintay ko eh”


May halong lambing ang huling sinabi ni Luis at masuyo niyang kinabig si Mark papalapit sa kanya. napahagikgik si Luis sa marahang pagtabig ni Mark sa kanya ng iakbay niya ang kanyang kamay dito at  akmang hahalikan ito.


“Arte naman! Hahalik lang naman eh!” Pagrereklamo ni Luis sa ngayo’y natatawang si Mark.


“Ano kaba?! Baka may makakita, nakakahiya!”


“Sus! Hayaan mo sila, inggit lang nila satin.” Walang paki na sabi ni Luis na sa ngayon ay lalong hinigpitan ang pagkaka akbay kay Mark.


“Hindi mo ba itatanong kung ano ang nangyari sa akin after nating grumaduate?”


“Sinabi mo na eh, isa pa mahaba pa ang oras para satin” Napatingin sa kanya si Luis. Sa kabila ng nararamdaman niya para dito itinuloy niya ang sasabihin.


“Ano nga bang nangyari na sa iyo? Andami ko ng hindi alam sayo.”


“Ako? Gaya sayo nakatapos din at nagtratrabaho. So far ok naman ang buhay ko ngayon.”


“May nagdaan ba sa buhay mo na iba? o baka naman meron pa hanggang sa ngayon?”


“Meron..”


Napabitiw siya kay Mark. Nakaramdam siya ng kung anong pagkainis. Tinalikuran ni Luis ang kausap at akmang aalis na.


“Dati pero wala na ngayon.”


Napatigil si Luis saglit at napaharap kay Mark. Kita niya sa mukha nito ang sinseradad. Napawi bigla ang kanyang pagka asar at binalikan ito. Hinawakan niya ang kamay ni Mark.


“Talaga?”


“Oo at kahit meron ako ngayon makikipagkalas ako bukas na bukas din.” Nakangiting sabi ni Mark kay Luis.


“Dahil sa akin?” lumalawak na ang ngiti ni Luis. Inaasahan na niya ang susunod na sagot nito.


“Hindi! Dahil kay Jenny!” Pangaasar ni Mark. Napasimangot naman si Luis sa sinabi nito. Marahas na 
binitiwan niya si Mark dahil pakiramdam niya ay niloloko lang siya nito.


“Ewan ko sayo! Bahala ka na nga sa buhay mo dyan!” tumalikod na si Luis. Pabalik na siya sa pwesto ng kanilang mga kaklase.


Hinabol siya ni Mark at sa kalagitnaan ng madilim na lugar ay niyakap siya nito. Naramdaman niya ang bigat nito na isinasalin sa kanyang katawan.


“Hindi ka na mabiro, gaya ka padin ng dati. Natural ikaw ang dahilan.” Paglalambing ni Mark. Masyado talagang mapaniwalain at asar si Luis kaya inagapan na niya ito bago pa man ito mag alburuto at mauwi sa walang saysay ang gabing nagtapat sila sa isat isa.


“Ewan sayo! Hmp!”


“Sorry na..”


Napatahimik si Luis. Hinahayaan lang niya si Mark na yakapin siya. Aminado naman siyang mahal niya ang taong ito kaya lahat ng ginagawa nito ay kaya niyang tanggapin. Naglalambing lang din siya.


“Tara na! baka mahuli tayo sa program” pagputol ni Luis. Nakangiti na siya at iniharap sa kanya. hinawakan niya ang kamay nito at inaya ng bumalik.


“Tara!” nakangiting sagot ni Mark.


Binabaybay nila ang pabalik sa pwesto ng kanilang mga kaklase. Nang papalapit na sila sa pwesto ng mga ito ay narinig nila ang hiyawan at sipol ng ilan sa mga ito. Napatingin din ang ilang mga tao sa paligid sa kanila. Bibitiwan na sana niya si Luis pero mapilit ito. Lalong hinigpitan ang hawak sa kanya.


Shit! Kitang kita nila!...paano na ‘to?


“Hindi kaba nahihiya sa kanila?” nagaalangan na sabi ni Mark na namumula na ngayon ang mukha sa hiyang nadarama sa mga matang nakapukol ng tingin sa kanila. May mga nakangiti at meron ding parang nandidiri.


“Wag mo silang intindihin. Ang importante masaya ako ngayon at ikaw dapat masaya din.” May halong pagmamalaki pa si Luis na sinasabi ito kay Mark.


Mark, kahit pagtawanan tayo ng mundo basta kasama kita kakayanin ko..


Wala ng nagawa si Mark. Hinayaan nalang niya ang mga tao. Tama si Luis dapat masaya siya dahil sa huli ay natupad ang kanyang pangarap. Magkasama sila ngayon at iyon ang importante. Taas noo niyang tiningnan ang kanyang mga kaklase na sa ngayon ay hindi magkandaugaga ang kakapalakpak at sipol habang papalapit silang dalawa. Bakas sa mga ito ang saya na sa wakas ay nagkasundo na sila ni Luis. Hindi ito makakakitaan na ikinahihiya sila ng mga ito.


“Mukhang Nakajackpot na itong si Luis ah!...Mark, sinagot mo naba?” Tanong ng isa nilang classmate. Nakikita ni Mark na halos ganun din ang gustong ipatungkol ng iba pa niyang mga kaklase. Napangiti lang siya sa mga ito.


“Ay! Ngiti lang? Showbiz?” sabi naman ng isa.


“Smile means yes! Bomalabster naman oh! Kaya wala ka pang lovelife eh!” sagot naman  ng isa pa nilang classmate. Nauwi na sila sa tawanan. hinanap ng tingin ni Mark si Jenny at ng nakita ay bumitaw siya kay Luis para kausapin ito.


“Jen, may kasalanan ka sakin.”


“Me??? wala akong alam dyan!” Natatawang tanggi ni Jen.


“Ikaw pala ang whistle blower kaya nalaman nila!” Nakangiting sabi ni Mark.


“Ahh yun ba? Ok lang yun! Atleast alam na nila at tanggap na nila. Ikaw nga ang may kasalanan sakin. Kaibigan kang naturingan pero ikaw pala itong karibal ko sa kanya.” Pagkatapos ay napahalakhak pa ito ng malakas.  Bakas dito na hindi ito galit sa nangyari at tanggap nito ang sitwasyon nila ngayon.


Napatawa na din si Mark. Hindi niya makuhang magalit kay Jenny. Naging mabuting kaibigan ito at nakuha pang magparaya sa kanya para makamtam niya ang pinapangarap niya.


“Salamat Jen sa lahat..” Hawak ni Mark ang kamay ng kaibigan. Hindi niya alam kung paano masusuklian ang naging kabutihan nito. Tanging pasasalamat lang ang kanyang kayang mabigay ngayon.


“Huwag mo ng pakawalan siya. Mahal ka nung tao.”


“Oo hindi ko na siya papakawalan. Salamat talaga Jen.”


“Tama na nga yang salamat salamat! Naririndi na ako!” pabirong sabi nito.


“Basta thank you!” pagkatapos ay niyakap niya ito.


“O siya siya balik kana sa pwesto ng papa mo, kanina pa nakatingin satin baka nagseselos na yun sakin!”  Pagtataboy ni jenny kay Mark. Napatingin si Mark sa lugar ni Luis at totoo nga na nakakunot ang noo nito. Tila sinusuri kung ano man ang kanilang pinaguusapan.


Kumawala na siya sa yakapan nila at nagpaalam na babalik na siya sa pwesto nila ni Luis. Kita niya ang biglang pagngiti nito habang papalapit na siya sa upuan niya. Napatingin na din siya sa mga kaklase niya na alam niyang magtatanong sa kanya tungkol sa kanila ni Luis. Handa siyang sagutin ang mga ito. Andyan si Luis para tulungan siya.


“Andito na pala ang lover boy eh! Mark, ikaw na nga ang magkwento at itong si Luis ay pashowbiz ang sagot.”


Nasundan ng malakas na tawanan ang sinabi ng kaklase niya. Nalulunod na siya sa kaligayahang nadarama niya ngayon.


Masayang nagkwento siya sa mga ito at paminsan minsan ay si Luis din ay napapasagot sa mga tanong ng mga ito. Habang lumalalim ang gabi ay hindi nauubos ang tawanan at kwentuhan sa kanilang lahat. Masaya ang bawat isa dahil sa loob ng mahabang panahon ay nakumpleto sila. Lahat ng taong naging parte ng buhay niya ay naandun at ang pinakaimportanteng doon ay si Luis.


Masaya si Mark habang pinagmamasdan si Luis. Magkawak kamay sila sa ilalim ng mesa. Napatingin si Luis kay Mark napangiti na din siya dito. Wala ng mahihiling pa si Luis dahil nasa tabi na niya ang taong kukumpleto sa buhay niya.


Mark..mahal kita..


Luis..mahal kita…


Wakas at Simula ng bagong kabanata ng buhay…

No comments:

Post a Comment